Ronin


  Nagsimula ang lahat sa panahong Heian. Sila ang mga armadong tagasuporta ng mayayamang may-ari ng lupa. Mga mandirigma. Dalubhasa sa paggamit ng kanilang mga espada na kung tawagin ay katana. Sila ang mga “naglilingkod”. Sila ang mga samurai.


Kamakura Shogunate 

   Sa kalagitnaan ng ika-12 siglo, ang kapangyarihan ng emperyo ng bansang Hapon at ang kanyang mga maharlika sa Kyoto ay unti-unting nawawala at pumupunta sa mga ulo ng mga angkan sa iba’t ibang malalaking lupain sa bansa. Sa panahong ito umangat ang kultura ng samurai. Umiral ito pagkatapos ng Digmaang Gempei kung saan ang angkan ng Taira at Minamoto ay naglaban kung kaninong angkan ipagkakaloob ang kapangyarihang mamuno sa estado ng Hapon. Nanaig ang Minamoto at dito itinatag ang Kamakura Shogunate sa Kamakura na pinamumunuan ni Minamoto Yoritomo bilang shogun. Dito itinaguyod at nagkaroon ng kahulugan ang katayuan at mga pribilehiyo ng samurai sa lipunan. Walang sinuman ang makakatawag sa kanyang sarili sa siya ay isang samurai nang walang pahintulot at tatak galing sa shogun.


Ang Katana 

   Nagkaroon din ng malaking kabuluhan sa panahong ito ang katana ng samurai. Ang kanilang karangalan ay sinasabing nakapaloob ng kanilang katana, mula sa dahan-dahang pagbuo ang talim, pagkabit ng mga disenyong ginto at pilak at sa hawakan na gawa ng balat ng pating - ito ay naging isang mahalagang sining.


Ashikaga Shogunate

  Ang Ashikaga Shogunate, na pinamumunuan ni Ashikaga Takauji, naman ang sumunod na shogunate kung saan nakasentro sa Kyoto. Tinaguriang ginintuang edad ng sining ng Hapon ang panahong Muromachi dahil sa buong pagtangkilik ng samurai. Lumago ang mga sikat na porma ng sining ng Hapon kagaya ng teatrong Noh, sado o tea ceremony, karesansui o hardin na bato, ikebana o pag-aayos ng bulaklak, iba’t ibang anyo ng tula, kaligrapiya, at pagpipinta na naimpluwensyahan ng Buddhismong Zen.


   Ngunit, pagkatapos ng Digmaang Onin, ang pyudal na sistema ay nawalan ng sentral na awtoridad at napunta sa mga lokal na panginoon na kung tawagin ay daimyo. Kasama ang kani-kanilang mga samurai, ang mga daimyo ang tumayo sa malawakang pagtaguyod at pagpanatili ng batas at kaayusan sa kanilang mga dominyo. Dahil dito hindi maiwasan ang pagtatalo tungkol sa mga pag-angkin ng teritoryo. Kadalasan ang mga pagtatalong ito sa mga daimyo at mga kaalyado ay humahantong ito sa mga armadong hidwaan. Ito ang pagsilang ng panahong Sengoku, na ang ibig sabihin ay “Digmaan ng mga Estado”.


Nobunaga, Toyotomi at Tokugawa

Sa magulong panahon na ito, ang ilan sa mga daimyo ay naging ambisyoso na na maitalaga ang kani-kanilang sarili sa pamamahala ng bansa. Tatlo sa mga daimyo na ito ang matagumpay na pagkaisahin ng bansang Hapon - sina Oda Nobunaga, Toyotomi Hideyoshi, at Tokugawa Ieyasu.

 

    250 taon na dumanas ng kapayapaan at kaunlaran sa bansang Hapon sa pamumuno ng Tokugawa Shogunate. Sa kauna-unahang pagkakataon ang samurai ay nagkamit ng responsibilidad na mamahala sa pamamagitan ng mga sibil na pamamaraan kaysa sa pamamagitan ng puwersa militar. Nagkaroon ng batas na bawat samurai ay magsasanay ng pantay-pantay sa mga armas at “magalang” na pag-aaral alinsunod sa mga prinsipyo ng Confucianismo.

 

Mga Ronin

Mula sa dulo ng panahong Sengoku, pagkatapos ng digmaang Sekigahara, hanggang sa bagong Tokugawa Shogunate isang bagong lahi ng mga mandirigma ang lumitaw. Sila ang mga ronin. Mga dating samurai na nahiwalay mula sa serbisyo ng isang daimyo. Sa literal na salin, ang ronin ay “taong alon” na kung saan sila ay itinakdang itapon sa alon ng buhay. Karamihan sa mga ronin ay nabuhay sa kahirapan nang walang maayos na kita.

 

    May apat na paraan kung paano nagiging karaniwang ronin ang isang samurai.

  • Una, ang isang angkan ay natalo o nalipol sa labanan o di kaya pinawalang bisa sa awtoridad ng shogun ang daimyo ng isang angkan. Maliban lang kung ang nawalan ng bisa na daimyo ay lumipat o sumanib sa isang angkan at isinama nya ang kanyang mga samurai. Ang lahat na natitirang samurai ay magiging ronin.

  • Pangalawa, ang isang samurai ay inalisan ng tungkuling manilbihan sa angkan ng kanyang daimyo. Wala ring daimyo ang pinapayagang tumangap ng maglilingkod na ronin na naalisan ng tungkulin ng orihinal na daimyo.

  • Pangatlo, ang isang samurai na kusang loob na umalis sa angkan, pinahintulutan man o hindi ng kanyang daimyo, ay nagiging ronin.

  • Huli, ang isang mandirigma ay ipinanganak bilang isang ronin. Kung ang ama nya ay isang ronin.

   Sa panahong Edo, sa halip na makisali sa gyera o militar, karamihan sa mga natirang samurai ay nagsagawa ng mga tungkulin sa gobyerno para sa kanilang mga angkan. At karamihan sa mga naging ronin ay hindi magawang maitaguyod ang kanilang mga sarili bilang tagapagpanatili ng kapayapaan o magdadala ng hustisya. Ang iba ay ipinagbebenta ang kanilang mga katana at pinapalitan ng mga gawa nalang sa kawayan.


    Kakaunti lang ang pagpipilian ng isang ronin. Isa na rito ay ang pagpili sa pagsali ng mga gawaing labag sa batas, gaya ng pagtambang ng mga manlalakbay sa daan o di kaya tanod ng isang grupong kriminal. Meron ding pumipiling tahakin ang paglipat-lipat sa iba’t ibang bayan. Naglalakbay sa lapad at lawak ng bansang Hapon upang ipamahagi ng kanilang galing sa katana at pakikidigma. Ayon sa kaugalian, ang gayong ronin ay magiging walang tirahan, natutulog sa ilalim ng kalangitan o di kaya sa mga templo. Kinikita nila ang kanilang pangaraw-araw na pagkain sa pamamagitan ng mga gawaing bahay tulad ng pagputol ng kahoy o bilang isang karaniwang mangagawa.

 

    Isang masidhing ispekulasyon na ang bantog na dalubhasa sa katana na si Miyamoto Musashi, ay ginulgol ang halos lahat ng kanyang buhay bilang isang ronin, at namuhay kagaya nito.

 

    Ang buhay ng isang ronin ay sadyang malungkot at kaawa-awa. Hindi lahat sa kanila ay nag-aral ng pagsusulat o di kaya sa pagsasanay ng sandata. Marahil ito ang dahilan kaya sila ay napilitang umanib sa pagiging kriminal. Ang iba naman ay naging mga mersenaryo o di kaya ay tumakas na at isinuko na ang pagiging isang hapon at namalagi na sa ibang bansa. Kung saan sila ay nakakapagsimulang muli ng kanilang buhay na payapa at malayo sa pagiging isang patapon ng lipunan.






Comments

Popular Posts